Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang tatlong kilo ng hinihinalang shabu na may halagang Php20,400,000 sa matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng Regional Drug Enforcement Unit 9 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region IX nito lamang ika-25 ng Enero 2025 sa Rizal Corner Osmeña Street, Barangay Central, Dipolog City.
Kinilala ni Police Brigadier General Roel C Rodolfo, Regional Director ng Police Regional Office 9, ang suspek na si alyas “Darwin”, 47 anyos, residente ng Barangay Sta. Catalina, Zamboanga City.
Nasamsam sa operasyon ang isang vacuum-sealed transparent plastic pack na naglalaman ng isang kilo ng hinihinalang shabu, kasama ang dalawa pang kilo na natagpuan sa mga nabuksang transparent plastic packs.
Ang mga nakumpiskang droga na nagkakahalaga ng Php20,400,000 ay nakalagay sa green tea foil packets na may tatak na “999.”, isang asul na ecobag, tatlong bukas na green tea foil packs, isang itim na Toyota Vios at ang susi nito, isang asul na Realme Android cellphone, at ang perang ginamit sa buy-bust.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Pinatunayan ng matagumpay na operasyon ang patuloy na pagsisikap ng PNP RDEU9 at PDEA 9 na sugpuin ang mga drug network at habulin ang mga High Value Individual na sangkot sa iligal na bentahan ng droga.