Sorsogon – Nasabat sa checkpoint operation ng mga pulisya ang Php2.7 milyong Agarwood sa isang lalaki sa Barangay Buenavista, Gubat, Sorsogon noong Marso 15, 2022.
Ayon kay Police Colonel Arturo Brual Jr., Provincial Director ng Sorsogon Police Provincial Office, nakatanggap ng ulat ang Provincial Intelligence Unit ng Sorsogon PPO tungkol sa isang itim na Nissan Almera na may karga umanong Agarwood na kung tawagin ay “Lapnisan”.
Ayon pa kay Police Colonel Brual Jr., dakong 5:30 ng hapon pinara ang itim na sasakyan sa nasabing barangay ng pinagsanib na operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Gubat Municipal Police Station.
Dagdag pa ni Police Colonel Brual Jr., ang nasabat na agarwood ay limang sako na naglalaman ng humigit kumulang 136 kilo na tinatayang may halagang Php2.7 milyon.
Kabilang ang Agarwood o Lapnisan sa listahan ng Endangered/threatened Philippine plants ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaya mahigpit na pinagbabawal ang pagkuha at pagbebenta nito.
Samantala, kinasuhan na ang lalaking suspek sa paglabag sa Presidential Decree No. 705 o “Revised Forestry Code” na inamyendahan ng PD No. 1559, Executive Order No. 277 at ng Republic Act No. 7161.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek at kapag napatunayang siya ay nagkasala, mahaharap ito sa anim hanggang 12 taon na pagkabilanggo at multang Php100,000 hanggang Php1,000,000.
Source: Sorsogon Police Provincial Office
###
Panulat ni Patrolman Rodel Grecia
Great work thanks PNP