Lubuagan, Kalinga – Tinatayang Php2,640,000 halaga ng marijuana bricks ang nasabat sa isang courier ng mga awtoridad sa isinagawang Checkpoint Operation sa Sitio Dinakan, Brgy. Dangoy, Lubuagan, Kalinga nito lamang Huwebes, Setyembre 29, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Charles Domallig, Officer-In-Charge ng Kalinga Police Provincial Office, ang courier na si Ersilias Baccoy, 36, residente ng Butbut, Proper Tinglayan, Kalinga at kabilang sa Newly Identified Individuals.
Ayon kay PCol Domallig, nadakip ang suspek matapos hindi sumunod at umiwas sa isinagawang Checkpoint ng mga tauhan ng Kalinga Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, Lubuagan Municipal Police Station, 2nd Kalinga Mobile Force Company, Provincial Ordnance and Canine Unit, at Regional Intelligence Division PROCOR.
Ayon pa kay PCol Domallig, nasabat sa suspek ang 22 pirasong marijuana bricks na may tinatayang kabuuang timbang na 22,000 gramo na nagkakahalaga ng Php2,640,000, isang unit ng pulang Honda XRM, isang black/gray viper backpack, isang unit white keypad Samsung phone, isang green poncho, isang black TYT radio, at isang motorcycle key.
“Ang sunud-sunod na operasyon laban sa ilegal na droga ay nagpapakita ng suporta, pangako at tiwala ng komunidad sa Pambansang Pulisya ng Kalinga dahil sa epekto ng KASIMBAYANAN Program na ipinapatupad ng PNP”, pahayag ni PCol Domallig.