Bakun, Benguet – Tinatayang nasa Php2,522,000 halaga ng marijuana ang sinira at sinunog ng mga awtoridad sa Sitio Agay-ay, Brgy. Kayapa, Bakun, Benguet nito lamang Enero 25, 2023.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng Special Operations Unit Cordillera, PNP Drug Enforcement Group, Bakun Municipal Police Station, 143 Special Action Company 14 Special Action Battalion ng PNP Special Action Force, Regional Intelligence Unit 14, Regional Intelligence Division/Regional Drug Enforcement Unit PROCOR at Benguet Provincial Mobile Force Company.
Nadiskubre ng mga operatiba ang 6,610 piraso ng fully-grown marijuana plants na may Standard Drug Price na Php2,522,000 sa limang plantasyon na may kabuuang sukat na 770 square meters.
Ang mga nadiskubreng halaman ng marijuana ay binunot at sinunog sa lugar at walang naitalang cultivator. Gayunpaman, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang mga nagtanim sa ipinagbabawal na halaman.
Samantala, hinihikayat ng Benguet PNP ang mga residente na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga upang mas mapabilis ang pagpuksa sa ilegal na droga at pagtatanim ng ipinagbabawal na halaman sa nasasakupan.
Source: Police Regional Office Cordillera-PIO