New Bilibid Prison, Muntinlupa City — Umabot sa Php2.3 milyong halaga ng shabu ang tinangkang ipuslit ng isang babaeng bumisita sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa na nahuli ng mga tauhan ng Inmate Visitation Service Unit (IVSU) ng Bureau of Correction (BUCOR) nito lamang Linggo, Hulyo 10, 2022.
Kinilala ni Southern Police District Director, PBGen Jimili Macaraeg, ang suspect na si Raquel Zuñiga y Artiaga, 33, residente ng Marasaga St., Tatalon, Quezon City.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang ala-1:00 ng tanghali naaresto si Zuñiga sa frisking area kung saan nagsagawa ng body searching ang mga tauhan ng BuCor sa lahat ng bisita ng Maximum Security Compound.
Nakumpiska kay Zuñiga ang apat na improvised white envelop na selyado ng scotch tape na naglalaman ng apat na piraso ng knot tied transparent plastic bag na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu na tumitimbang ng 350 gramo at tinatayang Php2,380,000 ang halaga.
Mahaharap si Zuñiga sa kasong paglabag sa Section 11 Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pahayag ni PBGen Macaraeg, lalong paiigtingin ng SPD ang koordinasyon nito sa Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology ((BJMP) para hadlangan ang aktibidad ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison at iba pang detention cell.
“Ang kampanya sa ilegal na droga ang ating pangunahing prayoridad. Ipagpapatuloy natin ang ating pakikipagtulungan sa BJMP at BuCor para palakasin ang ating pagpupursige na pigilan ang lahat ng mga drug trafficker na magpatuloy sa paglalako ng droga,” dagdag pa niya.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos