Nadiskubre ng mga otoridad ang tinatayang Php2,200,000 halaga ng marijuana plants sa isinagawang marijuana eradication sa Sitio Magbok, Barangay B’laan, Malungon, Sarangani Province noong ika-6 ng Pebrero 2025.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Sarangani Police Provincial Office na pinangunahan ng kanilang Provincial Director na si Police Colonel Deanry R Francisco, kasama ang iba pang mga tauhan ng PDEA 12, 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army, Philippine Coast Guard 12 at Kiblawan Municipal Police Station.
![](https://i0.wp.com/psbalita.com/wp-content/uploads/2025/02/475761187_618534857791386_7208008844461322046_n-1.jpg?resize=696%2C522&ssl=1)
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkadiskubre ng isang plantasyon ng marijuana na may nakatanim na 11,000 na Fully Grown Marijuana Plants at 3,000 marijuana seedlings na may tinatayang halaga na Php2,200,000.
Bagamat walang nahuling cultivator, lahat ng binunot na Fully Grown Marijuana Plants ay naidokumento at sinunog sa mismong lugar.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Arnold P Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at sinisiguro na lalo pang paiigtingin ang kanilang kampanya kontra sa ilegal na droga.
Ang matagumpay na operasyon ng kapulisan ng Saranagni Province ay patunay na kaisa ang Pambansang Pulisya sa pagpapaigting ng kampanya kontra ilegal na droga bilang pagsuporta sa adhikain ng administrasyon para sa isang mas mapayapang Bagong Pilipinas.
Panulat ni Kherwin Jay Medelin