Nasamsam ang tinatayang nasa Php2.1 milyong halaga ng shabu mula sa dalawang High Value Target sa isinagawang buy-bust operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit 10, katuwang ang Police Station 1 ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) sa Kyross Inn, Barangay 32, Lungsod ng Cagayan de Oro noong Mayo 25, 2025.

Kinilala ni Police Brigadier General Jaysen C De Guzman, Regional Director ng PRO10, ang mga suspek na sina alyas “Bapa,” 44 anyos, residente ng Barangay Camaman-an, Cagayan de Oro City, at “Saidi,” 32 anyos, residente ng Lumbatan, Lanao del Sur.
Narekober sa operasyon ang limang heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 320 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php2,176,000 batay sa Standard Drug Price, isang sling bag, Php2,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, at isang digital weighing scale.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Pinuri ni PBGen De Guzman ang matagumpay na operasyon at ang dedikasyon ng mga operatiba.
Hinikayat din nito ang publiko na makiisa sa kampanya laban sa krimen sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng kahina-hinalang mga aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Panulat ni Pat Rizza C Sajonia