Nakumpiska ang tinatayang Php1 milyong halaga ng shabu mula sa itinuturing na Top 8 Regional High Value Individual (HVI) at sa kasama nito sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Calinan Police Station sa kahabaan ng Purok 1-A, Barangay Biao Joaquin, Calinan District, Davao City noong Hunyo 10, 2025.
Ayon kay Police Major Robel B Saavedra, Station Commander ng Calinan Police Station, kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Goryo,” 28 anyos, isang driver at residente ng Purok 2, Barangay San Vicente, Montevista, Davao de Oro, at alyas “Jemaika,” 19 anyos, residente ng Purok 3, Barangay Mayaon, Montevista, Davao de Oro.
Sa naturang operasyon, narekober mula sa mga suspek ang kabuuang 155 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php1,054,000, boodle money, personal money, isang sling bag at isang Toyota Vios.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Sa patuloy na pagsisikap ng kapulisan na sugpuin ang ilegal na droga, ang pagkakaaresto sa isang Top Regional High Value Individual ay patunay ng seryosong kampanya ng pamahalaan laban sa mga sindikatong sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot. Ang mahigit isang milyong pisong halaga ng nasamsam na shabu ay hindi na makararating pa sa mga komunidad—isang hakbang tungo sa mas ligtas at mas maayos na lipunan.
Panulat ni Pat Shairra Rose A Aquino