Navotas City — Arestado ang isang lalaking miyembro ng Kilabot Saragoza Drug Group sa isinagawang Search Warrant ng Navotas City Police Station kung saan nakumpiska sa suspek ang mahigit isang milyong halaga ng shabu at marijuana nito lamang Miyerkules, Oktubre 26, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Ponce Rogelio Peñones Jr, Acting District Director ng Northern Police District, ang suspek na si Eduardo Monroy alyas “Pipoy”, isang mangingisda.
Ayon kay PCol Peñones Jr, naaresto si Monroy bandang alas-12:00 ng tanghali sa Brgy. Tangos North, Navotas City ng pinagsanib puwersa ng SDEU, TMRU, Sub-Station 2, Intel Division, SWAT, District Intelligence Division, NDIT RIU-NCR at CID-IG.
Nakumpiska sa suspek ang hinihinalang shabu na humigit kumulang 150 gramo ang bigat na nagkakahalaga ng Php1,020,000, 120 gramo ng marijuana na may halagang Php14,400, ilang mga drug paraphernalias, isang .45 kalibre ng baril na may anim na bala at iba pa.
Mahaharap si Monroy sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binati ni PCol Peñones Jr, ang mga nasabing operatiba sa kanilang napakalaki at matagumpay na operasyon sa Navotas at tinitiyak din nya na mas lalong paiigtingin nila ang kampanya kontra ilegal na droga sa Lungsod.
Source: Navotas CPS
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos