Nakumpiska sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad ang Php19,120,000 halaga ng smuggled na sigarilyo mula sa anim na suspek sa Digos City, Davao del Sur nito lamang Mayo 4, 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Victor Z Rosete, Regional Director ng Police Regional Office 11, ang anim na suspek na sina alyas “Anda,” “Amir,” “Sam,” “Nad,” “Mar,” at “Jake.”
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng Digos City Police Station at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Davao del Sur Provincial Field Unit.
Nakumpiska ang kabuuang 478 master cases ng sigarilyo, boodle money, isang Isuzu Travis L3 Van, at isang pulang container van.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10643 o ang “Graphic Health Warnings Law”.
Ang isinagawang operasyon ay hindi lamang simpleng pag-aresto, kundi isang patunay ng matibay na paninindigan ng Police Regional Office 11 sa kanilang tungkulin na ipatupad ang batas at protektahan ang publiko laban sa lahat ng anyo ng ilegal na aktibidad, kabilang na ang smuggling. Sa kabila ng mga hamon at panganib na kaakibat ng ganitong mga operasyon, nanatiling determinado ang PRO 11 na sugpuin ang mga gawaing sumisira sa kaayusan, kaligtasan, at ekonomiya ng bansa.
Panulat ni Pat Shairra Rose A Aquino