Nasamsam ng pulisya ang tinatayang Php184,626 halaga ng shabu mula sa isang tulak na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Prk. Stella Maris, Brgy. Tambler, General Santos City nitong gabi ng Enero 11, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang naarestong suspek na si alyas “John”, 36, walang asawa, at residente ng Brgy. Dad. West, General Santos City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng suspek kaya isinailalim ito sa validation.
Nang makumpirma na positibo ang ulat, kaagad na ikinasa ng mga operatiba ng General Santos City Police Station 5 kasama ang iba pang operatiba ng PRO 12 SDEU ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek matapos bentahan ng isang pakete ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa suspek ang humigit kumulang 27 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php184,626, buy-bust money na isang pirasong Php1,000 bill, at iba pang non-drug items.
Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165 ang isinampa laban sa suspek.
Patuloy ang PNP sa kampanya laban sa ilegal na droga na walang dala kundi karahasan at kriminalidad sa ating pamayanan.
Panulat ni Patrolwoman Rhesalie Umalay