Nasabat ng Bohol PNP ang Php183,600 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok-3, Barangay Taloto, Tagbilaran City, Bohol, noong ika-21 ng Agosto 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joemar S Pomarejor, Chief ng Provincial Drug Enforcement Unit / Provincial Intelligence Unit, Bohol Police Provincial Office, ang suspek na si “Junne”, 40 anyos at residente ng Purok-4 Barangay Taloto, Tagbilaran City, Bohol.
Bandang 9:35 ng gabi ng ikinasa ng kapulisan ang naturang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkasabat ng walong pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 27 gramo at may Standard Drug Price na Php183,600, buy-bust money at Vivo android phone.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng pinagsanib-pwersa ng mga operatiba ng PDEU/PIU, PNP DEG SOU7, Tagbilaran CPS at PDEA-Bohol.
Ang Bohol PNP ay patuloy sa pagpapaigting ng kampanya kontra ilegal na droga upang matuldukan ang pagpapalaganap nito sa kanilang nasasakupan para sa isang payapa at maunlad na Bagong Pilipinas.
Source: BPPO SR