San Antonio, Quezon City — Tinatayang nasa Php173.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang lalaki sa buy-bust operation ng Quezon City Police District at PDEA-NCR nito lamang Miyerkules, Agosto 24, 2022.
Kinilala ni PBGen Jonnel C Estomo, Acting Regional Director ng NCRPO, ang suspek na si Rodgene Umali y Uno, 36 taong gulang.
Ayon kay PBGen Estomo, bandang alas-6:30 ng umaga naaresto si Umali sa harap ng No. 267, sa kahabaan ng Roosevelt Ave., Brgy. San Antonio, Quezon City.
Ayon pa kay PBGen Estomo, humigit-kumulang 25.5 kilo na hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga otoridad na nagkakahalaga ng Php173,400,000 at nakumpiska rin ang siyam na bundle na boodle money.
Mahaharap si Umali sa kasong paglabag sa Sec. 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Sec.11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Art. II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni PBGen Estomo ang matagumpay na pagsasagawa ng operasyon at kanya ring binalaan ang iba pang mga sangkot sa droga na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay magpapatuloy alinsunod sa patnubay ng bagong Chief PNP na si PGen Rodolfo S Azurin Jr.
Aniya, “Tuloy tuloy po tayo sa ating kampanya laban sa ilegal na droga. Ako’y nagpapasalamat sa ating mga kasamahan sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Nic D Torre, PDEA, at mga operatiba na narito. Kami po ay nakikiusap sa lahat ng mga involve sa ilegal na droga na tigilan na po natin ito at masama po ito.”
Binigyang-diin din niya na ang ating mga kababayan ay makakaasa ng mas maraming big time arrest sa kanyang panunungkulan bilang Regional Director sa ilalim ng bagong administrasyon. “Expect more arrest dahil katulad ng aking sinabi noong una, maganda ang nasimulan ng ating dating pangulo at sa ilalim ng ating bagong pangulo ay magtutuloy-tuloy po iyan.”
Source: PIO_NCRPO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos