Nasamsam ang tinatayang Php170,000 halaga ng shabu mula sa dalawang High Value Individual (HVI), sa isinagawang buy-bust operation ng Butuan City Police Office-City Drug Enforcement Unit nito lamang Abril 24, 2025, bandang 10:40 ng gabi sa Room #209 ng Destiny’s Inn, Purok-2, Barangay San Ignacio, Butuan City.
Ayon kay Police Colonel Rommel D. Villamor, City Director ng BCPO, ang mga suspek ay kinilala na sina alyas “Baki”, 34 anyos, residente ng Barangay Imadejas na dati na ring nahuli noong 2021 dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at si alyas “Kenth”, 21 anyos, walang asawa, SK Chairman ng Barangay Masao, at kabilang din sa listahan ng HVI.
Ayon sa mga imbestigador, isang operatiba ng City Drug Enforcement Unit ang nagpanggap na buyer at matagumpay na nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek.
Sa isinagawang body search at inspeksyon sa lugar, narekober pa ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa mahigit 25 gramo ang kabuuang timbang ng nasamsam na droga na may Standard Drug Price na Php170,000 at iba pang non-drug evidence.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng Butuan City Police Station sa pagsugpo sa iligal na droga sa ating lungsod. Walang pinipili ang batas—kahit pa isang opisyal ng barangay ang lumabag dito. Hinahamon namin ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos sa inyong komunidad. Katuwang namin kayo sa laban kontra droga,” ani PCol Villamor.
Panulat ni Pat Karen Mallillin