Nasabat ang tinatayang Php170,000 halaga ng shabu mula sa isang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng Pasay City Police Station sa kahabaan ng FB Harrison Street kanto ng P. Manahan Street, Barangay 26, Pasay City nito lamang Lunes, Abril 14, 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Joseph Arguelles, District Director ng Southern Police District, ang suspek na si alyas “Mark”, 18 taong gulang, at residente ng Barangay 145, Pasay City.
Ayon kay PBGen Arguelles, bandang 9:15 ng gabi, pinara ng mga tauhan ng Substation 2 (SS2) ang isang kulay abong motorsiklo dahil sa paglabag sa batas trapiko partikular sa hindi pagsuot ng helmet.
Habang iniisyuhan ng citation ticket, napansin ng mga operatiba ang kahina-hinalang kilos ng back rider na agad tinangkang itapon ang isang kaha ng sigarilyo.
Nang siyasatin ang nasabing kaha, nadiskubre ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 25 gramo ang bigat ang nasamsam na droga na may Standard Drug Price (SDP) na Php170,000.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa naarestong suspek.
“Pinupuri ko ang mabilis at maagap na tugon ng ating mga pulis sa Pasay City. Sa isang simpleng Oplan Sita ay nasakote ang isang sangkot sa ilegal na droga at nasabat ang mapanganib na substansya. Isa itong patunay sa ating patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga at sa adhikain nating panatilihing ligtas ang ating komunidad. Nawa’y magsilbi itong babala sa mga patuloy na sangkot sa ipinagbabawal na gamot—malapit na ang inyong katapusan,” ani PBGen Arguelles.
Source: SPD PIO
Panulat ni PMSg Gargantos, RM