Arestado ng mga tauhan ng Lala Municipal Police Station ang isang menor-de-edad na may dalang ilegal na droga sa isinagawang checkpoint operation ng mga otoridad nito lamang ika-29 ng Disyembre 2024 sa Purok Rambutan, Barangay Maranding, Lala, Lanao Del Norte.
Kinilala ni Police Colonel Roy A Magsalay, Provincial Director ng Lanao del Norte Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Denden”, 14 taong gulang, lalaki, residente ng Purok 3, Barangay Kalimudan, Salvador, Lanao del Norte.
Sa isinagawang checkpoint operation, na-flag down ang isang 14-anyos na lalaki na walang suot na protective helmet at hindi nagpakita ng driver’s license.
Habang kinukuha ng suspek ang mga dokumento mula sa kanyang black belt bag, hindi sinasadyang tumambad ang mga sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, na humantong sa kanyang agarang pag-aresto.
Narekober mula sa suspek ang limang iba’t ibang laki ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu na humigit-kumulang 25 gramo, na may tinatayang Standard Drug Price na Php170,000, isang susi ng motorsiklo, isang black belt bag, at isang unit na Yamaha Mio Soul I 125 SMC na motorsiklo, kulay matte na berde/itim na kumbinasyon, na walang kalakip na plate number.
Ang naarestong menor-de-edad ay dinala sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Lala.
Kasong paglabag sa Seksyon 11, Artikulo II ng Republic Act 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at paglabag sa mga municipal local ordinance ang inihahanda laban sa suspek.
Ang operasyong ito ay nagbigay-diin sa matatag na layunin ng mga kapulisan na labanan ang ilegal na kalakalan ng droga sa Northern Mindanao lalo na kapag ang sangkot ay mga menor-de-edad.