Tinatayang Php170,000 halaga ng shabu ang nasamsam habang arestado naman ang dalawang indibidwal sa matagumpay na buy-bust operation noong Disyembre 14, 2024, sa Barangay Brar, boundary ng Datu Anggal Midtimbang at Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Samuel Asero Roy Subsuban, Chief of Police ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Patrick” at alyas “Karim” na tinamaan sa paa na agad namang naisugod sa pinakamalapit na hospital para sa paunang lunas.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang malaking pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 25 gramo at nagkakahalaga ng Php170,000, isang cellphone, isang cal. 45 pistol, isang wallet, at isang Kawasaki Bajaj motorcycle.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang mga suspek.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Maguindanao del Norte PNP laban sa iligal na droga, alinsunod sa direktiba ng PNP na suportahan ang adbokasiya ng Bagong Pilipinas para sa ligtas at maunlad na komunidad.
Patuloy na hinihikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga iligal na aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya