Daet, Camarines Norte – Tinatayang nasa Php170,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa 5 suspek sa isinagawang buy-bust ng Daet PNP nitong hapon ng Sabado, Mayo 28, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Arnel De Jesus, Chief of Police ng Daet Municipal Police Station ang mga suspek na sina Jomar Sta. Catalina alyas “Joms”, 32, may asawa, miyembro ng Rey Gutierrez Drug Group; Carlos Sta. Catalina alyas “Kaloy”, 54, may asawa; Erwin Jamito alyas “Ewin”, 47, may asawa; Melchor Adante, alyas “Chor”, 35, binata, pawang mga residente ng Brgy. Camambugan, Daet, Camarines Norte; at Vincente Botis Jr. alyas “Vicoy”, 47, binata, residente ng Brgy. Cobangbang, Daet, Camarines Norte.
Ayon kay PLtCol De Jesus, bandang 1:40 ng hapon nang nagsagawa ng anti-illegal drugs operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency, Camarines Norte; Camarines Norte Police Provincial Office-PIU at Daet MPS sa isang drug den sa Brgy. Pamorangon, Daet, Camarines Norte.
Dagdag pa ni PLtCol De Jesus, nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 25 gramo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa 10 magkakahiwalay na transparent plastic sachet at may market value na Php170,000, isang pirasong hindi nagamit na aluminum foil, limang pirasong gamit na aluminum foil strip, anim na pirasong improvise burner, gunting, cellphone, improvise glass tooter at Php500 na buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.
“Ang operasyong ito ay banta sa mga durugistang patuloy na nagpapakalat ng ilegal na droga at unti-unting lumalason at sumisira sa buhay ng mga taong nabibiktima nito. Huwag ninyong hintayin na kayo ay maghimas ng bakal na rehas kasama ng iba pang mga masasamang tao” ani PLtCol De Jesus.
Source: Daet MPS
###
Panulat ni PCpl Shiear “Kye” Velasquez-Ignacio