Davao City – Tinatayang aabot sa Php161,600 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng Sasa PNP sa Punad Village, Bypass Road, Brgy. Angliongto, Davao City, noong Disyembre 1, 2022.
Kinilala ni PMaj Jake Goles, Station Commander ng Sasa Police Station, ang mga suspek na si alyas “Angel”, 33, na tinaguriang Top 2 High Value Individual sa Regional level at alyas “Ronnie”, 40, na parehas residente ng San Lorenzo Ruiz, Brgy. Buhangin, Davao City.
Ayon kay PMaj Goles, naaresto ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsamang tauhan ng Sasa PS at Maritime Police Station kasama ang City Intelligence Unit katuwang ang PDEA Regional Office 11.
Dagdag pa ni PMaj Goles, nakuha mula sa mga suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 10.10 gramo at may street market value na Php161,600 at marked money na ginamit sa operasyon.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PBGen Benjamin Silo Jr., PRO11 Regional Director ang nasabing operasyon dahil sa matagumpay na pagkakadakip sa suspek at nagsabi na ipagpapatuloy ang operasyon kontra ilegal na droga sa tulong ng mamamayan upang makamit ang kaayusan at kapayapaan tungo sa kaunlaran ng bansa.
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara