Tinatayang Php160,000 halaga ng marijuana ang nadiskubre ng mga operatiba sa isinagawang marijuana eradication sa Sitio Bangao, Kayapa, Bakun, Benguet noong ika-16 ng Hulyo 2024.
Ayon kay Police Colonel Joseph P Bayongasan, Provincial Director ng Benguet Police Provincial Office, naging matagumpay ang operasyon sa pagsisikap ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba sa pangunguna ng Bakun Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Unit-14, Benguet Provincial Police Office at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkadiskubre ng isang plantasyon ng marijuana sa may lawak na 200 square meters na may 800 Fully Grown Marijuana Plants na nagkakahalaga ng Php160,000 Standard Drug Price.
Bagamat walang nahuling cultivator, lahat ng nadiskubreng marijuana ay binunot at sinunog sa mismong lugar.
Pinuri naman ni PCol Bayongasan ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at patuloy ang pagsuporta sa isinusulong ng Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., na Whole-of-Nation Approach na kinakailangan para maging illegal drug free ang ating bansa.