Tinatayang Php15,000,000 halaga ng Fully Grown Marijuana Plants ang nadiskubre ng mga operatiba ng Mountain Province PNP sa isinagawang marijuana eradication sa Mount Paras, Saclit, Sadanga, Mountain Province noong ika-15 ng Setyembre 2024.
Ayon kay Police Colonel Sibly P Dawiguey Jr, Provincial Director ng Mountain Province Police Provincial Office, naging matagumpay ang operasyon sa pagsisikap ng pinagsanib na pwersa ng mga pulisya sa pangunguna ng Sadanga Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit, Mt Province Police Provincial Office, 2nd Mountain Province Provincial Mobile Force Company at ng Philippine Drug Enforcement Agency- Mountain Province.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng isang plantasyon ng marijuana na may tinatayang lawak na 2,500 square meters at may nakatanim na mahigit kumulang 75,000 piraso ng Fully Grown Marijuana Plants na nagkakahalaga ng Php15,000,000 Standard Drug Price.
Bagamat walang nahuling cultivator, lahat ng nadiskubreng marijuana ay naidokumento, binunot at sinunog sa mismong lugar.
Pinuri naman ni PCol Dawiguey Jr ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at sinisiguro naman na lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya kontra sa ilegal na droga, gayundin upang matuldukan ang paglaganap ng pinagbabawal na gamot sa kanilang nasasakupan.
Ang makabuluhang tagumpay na ito ay nagbibigay diin sa walang patid na pangako ng pamahalaan katuwang ang PNP na puksain ang kalakalan ng ilegal na droga sa rehiyon tungo sa isang Bagong Pilipinas.