Nasabat ng Brooke’s Point Municipal Police Station ang Php150,000 halaga ng smuggled na sigarilyo sa kahabaan ng National Highway, Barangay Mambalot, Brooke’s Point, Palawan noong ika-15 ng Agosto 2024.
Sa isinagawang anti-illegal smuggling operation, naaresto si Alyas “Mark,” isang 74-anyos na residente ng Barangay Malis, Brooke’s Point, Palawan.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng impormasyong natanggap ng mga awtoridad hinggil sa isang sasakyang magdadala ng mga puslit na sigarilyo patungong Sofronio Española, Palawan.
Agad na nagresponde ang mga kapulisan, at naharang nila ang isang itim na Toyota Wigo na minamaneho ni Alyas “Mark.” Sa loob ng sasakyan, nakuha ng mga pulis ang isang transparent plastic bag na naglalaman ng 50 reams ng Fort cigarettes, dalawang karton ng Berlin cigarettes, at siyam na karton ng Fort cigarettes.
Kasama rin sa nakumpiska ang sasakyan na ginamit sa pagdadala ng mga smuggled na sigarilyo.
Ang lahat ng nakumpiskang sigarilyo at sasakyan ay kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Brooke’s Point MPS habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 10643 o The Graphic Health Warnings Law laban sa nahuling suspek.
Ipinakita ng Brooke’s Point MPS ang kanilang kahusayan sa mabilisang aksyon upang mapigilan ang pagkalat ng mga ilegal na produkto.
Patuloy ang PNP sa kanilang dedikasyon at mabilis na pagtugon, na naging susi sa pagkakaaresto ng suspek at pagsamsam ng mga smuggled na sigarilyo.
Ang insidenteng ito ay nagpatibay sa tiwala ng komunidad sa kanilang kakayahan na protektahan ang Palawan mula sa mga ilegal na gawain.
Source: Thunder News Philippines
Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla