Tinatayang aabot sa Php149,600 ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng Sta. Ana PNP na nagresulta sa pagkakadakip sa isang High Value Individual (HVI) sa Brgy. 19-B Poblacion, San Antonio Hilltop, Bajada, Davao City nito lamang Nobyembre 25, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ronald Lim Lao, Station Commander ng Sta. Ana Police Station, ang suspek na si alyas “Ludwig”, residente ng Davao City na tinaguriang Top 4 High Value Individual sa City Level.
Inaresto ang suspek ng pinagsamang tauhan ng Sta. Ana Police Station at Davao City Drug Enforcement Unit katuwang ang PDEA XI.
Nakuha mula sa suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 22 gramo na may street market value na Php149,600 at marked money na ginamit sa operasyon.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang pagkakadakip sa suspek ay malaking kabawasan sa hanay ng mga nagpapalaganap ng ilegal na droga sa Rehiyon Onse.
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara