Malabon City – Nasakote ang tinatayang nasa mahigit Php139,000 halaga ng shabu sa dalawang suspek matapos magkasa ng buy-bust operation ng mga tauhan ng Malabon City nito lamang Martes, Nobyembre 28, 2023.
Kinilala ni PBGen Rizalito Gapas, District Director ng Northern Police District, ang mga suspek na sina alyas “Obet”, Pusher/Newly identified, 50; at alyas “Ivy”, Pusher/Listed, 33, babae, parehong naninirahan sa Barangay Tañong, Malabon City.
Ayon kay PBGen Gapas, nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon CPS ang mga suspek bandang 2:00 ng madaling araw, sa C4 Road corner Manapat Street, Brgy. Tañong, Malabon City.
Nasamsam sa nasabing operasyon ang limang (5) piraso ng maliit na heat-sealed plastic sachet na naglalaman na hinihinalang shabu, isang (1) piraso ng tunay na Php500 na ginamit bilang buy-bust money, at isang (1) Black coin purse.
Ang mga ebidensya na nakumpiska ay may kabuuang timbang na humigit-kumulang sa 20.5 gramo na may Standard Drug Price (SDP) na Php139,400.
Nahaharap naman ang mga nahuling suspek sa kasong paglabag ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinapangako naman ng NPD na tuloy-tuloy lang ang kanilang pagsasagawa ng mga operasyon sa anumang uri ng kriminalidad upang madakip ang mga indibidwal na patuloy ng nagpapalaganap ng masamang gawain sa kanilang lugar.
Source: NPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos