Nasabat ng mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 11 ang humigit kumulang Php136,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa Newly Identified High Value Individual sa Purok 1, Dacudao Extension-1, Barangay J.P Laurel, Panabo City nito lamang Oktubre 16, 2024.
Kinilala ni Police Major Maynard D Pascual, Chief, RSOG/RPDEU11, ang suspek na si alyas “Lang”, 32 anyos, drayber ng pampasaherong motor at residente ng Purok Caimito, Barangay Datu Abdul, Panabo City.
Ang suspek ay naaresto sa isinagawang joint buy-bust operation na pinangunahan ng RPDEU 11 katuwang ang Panabo City Police Station at sa koordinasyon ng PDEA.
Narekober mula sa suspek ang humigit kumulang 20 gramo ng hinihinalang shabu at .45 caliber taurus pistol at isang magasin na may limang bala.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang kakaharapin ng suspek.
Ang operasyong ito ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng Police Regional Office 11 na sugpuin ang ilegal na droga at kriminalidad sa rehiyon upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng komunidad.
Panulat ni Patrolwoman Shairra Rose A Aquino