Davao de Oro – Tinatayang Php128,000 halaga ng hinihinalang ilegal na Coconut Lumber ang nasabat ng tauhan ng PNP sa checkpoint na isinagawa sa Purok 1, Poblacion, Maco, Davao de Oro, noong Setyembre 26, 2022.
Kinilala ni PMaj Madtaib Jalman, Chief of Police ng Maco Municipal Police Station, ang mga suspek na si alyas “Rodel”, 34, driver at kasama nitong dalawang helper na sina alyas “Dindo” at “Mulong” na parehas mga residente ng Purok Magumay, Saoquegue, Baganga, Davao Oriental.
Ayon kay PMaj Jalman, naaresto ang mga suspek matapos maharang sa isang checkpoint ng pinagsamang tauhan ng Maco MPS kasama ang 1101st Regional Mobile Force Battalion 11 at 2nd Provincial Mobile Force Company katuwang ang Regional Special Operation Group 11 at Maritime Group 11 at hanapan ng permit sa dala nilang mga coconut lumber subalit wala silang maipakitang dokumento mula sa Philippine Coconut Authority.
Dagdag pa ni PMaj Jalman, nakuha mula sa mga suspek ang 8,000 board feet na may tinatayang halaga na aabot sa Php128,000.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10593 o Coconut Preservation Act.
Ang tagumpay ng nasabing operasyon ay bunga ng malasakit ng mamamayan sa bawat isa na magreresulta sa kaayusan at kaunlaran ng bansa.
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara