Daet, Camarines Norte – Tinatayang Php115,600 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang minero sa ikinasang buy-bust operation ng PRO5 sa Purok 2, Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte nito lamang Setyembre 24, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Antonio C Bilon, Jr., Provincial Director ng Camarines Norte Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Tolits”, 28, isang minero at residente ng Purok 5, Barangay Casalugan, Paracale, Camarines Norte.
Ayon kay PCol Bilon Jr., bandang 1:40 ng umaga ng ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na mga operatiba ng Camarines Norte Provincial Intelligence Unit, Daet Municipal Police Station, Regional Police Drug Enforcement Unit 5, PNP Drug Enforcement Unit at ng Camarines Norte 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company.
Ayon pa kay PCol Bilon Jr., narekober mula sa suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 17 gramo na may katumbas na halaga na Php115,600, isang coin purse na kulay berde at isang digital weighing scale.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang isinasagawang operasyon ng PNP Bicol upang matuldukan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa rehiyon upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad.
Source: Camarines Norte Police Provincial Office
Panulat ni Pat Rodel Grecia