Laguna – Tinatayang Php112,800 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Sta. Cruz PNP nito lamang Lunes, Setyembre 18, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Harold Depositar, Officer-In-Charge ng Laguna Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Rafael’’, residente ng Pasig City, Manila.
Naaresto ang suspek ganap na 5:50 ng hapon sa Sitio Huwaran, Brgy. Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna ng mga operatiba ng Sta. Cruz Municipal Police Station.
Nakumpiska mula sa suspek ang limang pirasong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na aabot sa 16.60 gramo na nagkakahalaga ng Php112,800, isang pirasong Php500 bill, dalawang pirasong Php100 bill bilang recovered money, isang pirasong coin purse, isang unit ng cellular phone at dalawang pirasong Php1,000 bill bilang buy-bust money.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Laguna PNP ay puspusang ipinapatupad ang kampanya laban sa mga ilegal na droga na siyang sumisira sa buhay ng mga mamamayan lalo na sa mga kabataan at maisakatuparan ang kaligtasan, kaayusan at kapayapaan ng komunidad.
Source: Laguna Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel T Dulin