Quiapo, Manila – Tinatayang Php11.9 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa isang lalaking suspek sa isinagawang buy-bust ng Barbosa Police Station ng Manila Police District nito lamang Huwebes, Marso 30, 2023.
Kinilala ni NCRPO Regional Director, PMGen Edgar Alan Okubo, ang suspek na si alyas “Kulot”, 26.
Ayon kay PMGen Okubo, nangyari ang operasyon bandang 2:50 ng madaling araw sa kahabaan ng Quezon Boulevard, Brgy. 391, Quiapo, Manila ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit, Police Station 14 (Barbosa) MPD.
Nakumpiska mula sa suspek ang 10 medium heat-sealed transparent plastic sachet at isang large stapled transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 1,750 gramo at nagkakahalaga ng tumataginting na Php11,900,000; isang black digital weighing scale; isang bundle ng transparent plastic sachet; isang black bag pack; at isang tunay na Php1,000 na ginamit bilang buy-bust money na kasama ng 35 piraso na Php1,000 na boodle money.
Reklamong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahaharapin ng suspek.
Pinuri ni PMGen Okubo ang nasabing operating unit para sa isang kahanga-hangang tagumpay ng walang humpay na kampanya ng Team NCRPO kontra ilegal na droga.
Aniya, “Isa lamang ito sa maraming matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga na ating isinagawa bilang tugon sa panawagan ng ating SILG. Ipagpapatuloy natin ang ating pagsisikap na panatilihing ligtas ang Metro mula sa lahat ng uri ng kriminalidad. Humihiling lamang kami ng kooperasyon mula sa komunidad upang matulungan kaming maalis ang banta na ito sa lipunan.”
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos