Caloocan City — Tinatayang Php102,000 halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska sa isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Northern Police District nito lamang Lunes, ika-10 ng Abril 2023.
Kinilala ni NPD Director, PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, ang suspek na si alyas “Glen”, 38 anyos at naninirahan sa Purok 4, Bagong Sibol St., Barangay Pulang Lupa, Valenzuela City.
Ayon kay PBGen Peñones Jr, matagumpay na naisagawa ng District Drug Enforcement Unit DDEU-NPD, ang nasabing operasyon na humantong sa pagkakaaresto sa nasabing suspek, bandang 2:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Lugmok St., Barangay 165, Caloocan City.
Nasamsam sa suspek ang tatlong piraso ng medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na 15 gramo at may Standard Drug Price na Php102,000; at isang tunay na Php500 na may kasamang sampung piraso ng Php1,000 na boodle money na ginamit bilang buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.
Ang Pambansang Pulisya ay hindi titigil sa pagsugpo sa mga indibidwal na patuloy na gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga nang sa gayo’y maramdaman ng mamamayan ang kaligtasan at kapayaapan sa ating komunidad.
Source: NPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos