Nasabat ang tinatayang Php102,000 halaga ng shabu habang timbog ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Marawi City Police Station sa Barangay Marawi Poblacion, Marawi City, Lanao del Sur noong ika-3 ng Hulyo 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Gieson M Baniaga, Chief of Police ng Marawi City Police Station, ang suspek na si alyas “Edi”, 34 anyos, driver, at residente ng Barangay Puga-an, Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay PLtCol Baniaga, matagumpay na naaresto ang suspek dahil sa pinagsanib pwersa ng mga tauhan ng Marawi City Police Station, City Drugs Enforcement Unit, Provincial Drugs Enforcement Unit/Provincial Special Operations Group, 1st Provincial Mobile Force Company LDSPPO, 1403rd at 1402nd Regional Mobile Force Company.
Nakumpiska mula sa naturang operasyon ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 15 gramo at nagkakahalaga ng Php102,000; isang pakete ng sigarilyo; Php1,000 bill; 14 piraso ng Php1,000 pekeng pera na ginamit bilang buy-bust money; at isang unit na multicab na may plate number na YFC 767.
Patuloy pa ring nanawagan ang Lanao del Sur PNP sa mga mamamayan na makipagtulungan at maging mapagmatyag sa mga kahina-hinalang gawain sa kanilang komunidad.
Ang impormasyon at kooperasyon ay mahalaga upang mapagtagumpayan na labanan ang ilegal na droga at mapanatili ang ligtas na pamayanan.