Nakumpiska ang Php102,000 halaga ng shabu mula sa isang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad ng Jolo MPS sa Rizal Park, Serantes Street, Barangay Walled City, Jolo, Sulu noong ika-19 ng Marso 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Annidul M Sali, Hepe ng Jolo MPS, ang suspek na si alyas “Zorro” 25 anyos at residente ng Barangay Angilan, Omar, Sulu.
Ayon kay PLtCol Sali, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad ng Jolo MPS kasama ang mga operatiba ng 1404th-B, Regional Mobile Force Battalion 14-B na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto ng nasabing suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na Php102,000; Php1,000 peso bill; Php7,000 bilang buy-bust money; limang alluminum foil; isang pirasong lighter; isang cellphone; Php7,005 coins; isang wallet; isang sling bag; at isang unit ng Suzuki Motorcycle.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Sinisiguro ng buong pwersa ng kapulisan ng PROBAR na mas lalo pa nilang pagbubutihin ang pagpapaigting ng kanilang kampanya kontra ilegal na droga at lahat ng uri ng kriminalidad para matiyak ang kaayusan, kaligtasan, at kapayapaan para sa mas maunlad na bansa tungo sa isang Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Veronica Laggui