Tinatayang Php10.8 milyong halaga ng marijuana ang nasabat sa apat na suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station sa San Lorenzo St., Barangay 185, Malaria, Caloocan City nito lamang Martes, Marso 11, 2025.
Ayon kay Police Colonel Josefino Ligan, Acting District Director ng Northern Police District, nakilala ang mga suspek na isang 25-taong-gulang na babaeng encoder, isang 49 taong gulang na lalaking walang trabaho, isang 26 taong gulang na lalaking construction worker, at isang 23 taong gulang na lalaking pintor, pawang mga residente ng Caloocan City.
Pinangunahan ng mga operatiba mula sa Caloocan City Police Station-Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang operasyon kasama ang Sub-Station 14 at Sub-Station 15 ng Caloocan CPS na humantong sa pagkakasamsam ng tinatayang 90.5 kilo ng hinihinalang marijuana na may street value na Php10,860,000, isang dusted Php500 bill, limang piraso ng boodle money na may Php1,000 na ginamit sa transaksyon, tatlong itim na kahon, dalawang malalaking transparent na plastic container, at isang puting timbangan.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng bisa ng AAA Strategy ng NCRPO—Able, Active, and Allied—isang komprehensibong pamamaraan sa pagbawas ng krimen at paglaban sa ilegal na droga. Sa pamamagitan ng pagpapahusay ng kasanayan, pagsasagawa ng mga proaktibong operasyon, at pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa komunidad, tinitiyak ng NCRPO ang walang humpay na laban kontra ilegal na droga, na layuning gawing mas ligtas ang Metro Manila sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General Anthony A. Aberin, Acting Regional Director, NCRPO.
Source: NPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos