Nasabat ang tinatayang Php10.4 milyong halaga ng shabu at loose firearm sa isang senior citizen na nakatala bilang High Value Individual sa operasyon ng pulisya sa Barangay Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu nitong Hulyo 29, 2024.
Kinilala ni Police Colonel Ali A Baron, City Director ng Lapu-lapu City Police Office, ang naarestong suspek na si alyas “Goryo”, 60 anyos, residente ng Sitio Ponce, Barangay Capitol Site, Cebu City.
Ayon kay PCol Baron, isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng City Intelligence Unit at City Drug Enforcement Unit ng Lapu-Lapu City Police Office sa pakikipagtulungan sa Regional Intelligence Division at Philippine Drug Enforcement Agency Central Visayas
Nakuha mula sa suspek ang 18 heat-sealed transparent plastic packs at isang vacuum-sealed transparent plastic pack na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na may tinatayang 1,530 gramo, may Standard Drug Price na Php10,404,000, isang back pack, at Php60,000 na ginamit bilang boodle money.
Bukod dito, ang suspek ay may kakayahang mag-dispose ng isang (1) kilo kada linggo sa tri-city at dati nang naaresto dahil sa illegal possession of firearms.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
“Ang malaking tagumpay na ito ay isang matibay na testamento sa pagpuksa sa paglaganap ng krimen at ilegalidad sa lungsod, alinsunod sa pagsasakatuparan ng BIDA Program ni Atty. Benjamin Abalos Jr.”, ayon kay PCol Baron.