Tinatayang aabot sa Php10.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga awtoridad sa Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte nito lamang Hunyo 9, 2025.
Ang operasyon ay isinagawa bandang 9:45 ng gabi ng pinagsanib na mga operatiba ng PPDEU/PIU at Daet Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Regional Office V.
Naaresto ang suspek na kinilalang si alyas “Gary”, 58 anyos, walang asawa, isang vendor at residente ng Barangay 667, Ermita, Manila. At nag-ooperate sa iba’t ibang bahagi ng Bicol sa ilalim ng kunwaring legal na negosyo.
Nakumpiska sa operasyon ang humigit kumulang sa 1.5 kilograms ng hinihinalang shabu na may street value na Php10.2 milyon pesos.
Nahaharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy na paiigtingin ng PRO5 ang kanilang anti-illegal drug operations bilang bahagi ng kanilang pangako sa pagpuksa sa mga aktibidad ng ilegal na droga sa rehiyon at pagtiyak ng kaligtasan ng publiko at kapayapaan ng komunidad.