Basilan – Nakumpiska ng Hadji Muhtamad Municipal Police Station ang Php1,820,000 halaga ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang seaborne patrol sa Brgy. Dasalan, Hadji Muhtamad, Basilan noong ika-9 ng Oktubre, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General John Guyguyon, Regional Director ng PRO BAR, ang mga naarestong suspek na sina Manood Christopher Pelapel, Salomia Edgar Escurial, at Lawama Kiram Aleng.
Ayon kay PBGen Guyguyon, habang nagsasagawa ng seaborne patrol ang mga operatiba ay naharang nila ang tatlong suspek na may dala-dalang 140 kahon ng smuggled na sigarilyo na nagkakalaga ng Php1,820,000 sakay ng bangkang de-motor na pinaniniwalaang galing sa Sulu at ipapadala sa Zamboanga City.
Ang mga suspek ay nabigong magpakita ng mga legal na dokumento na nagresulta sa agaran nilang pagkakaaresto.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dadalhin sa kustodiya ng Bureau of Customs pagkatapos dumaan sa kaukulang dokumentasyon habang mahaharap naman ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 8424 o An Act Amending the National Internal Revenue Code.
Ang nasabing operasyon ay bilang bahagi ng kampanya ng PRO BAR na sugpuin ang lahat ng uri ng kriminalidad sa rehiyon.
Samantala, pinuri ni PBGen Guyguyon, ang mga operatiba sa likod ng tagumpay na ito.
“Ito ay isang malaking kontribusyon para mapigil ang pagdami ng mga kontrabando sa ating lugar na lubos na nakakaapekto sa ating ekonomiya. Tulong-tulong tayo para masugpo ang ilegal smuggling sa ating lugar at tuluyang makamtan ang kaunlaran para sa ating bayan.”
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz