Php1,800,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng Bulacan PNP mula sa isang High Value Individual matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pio Cruzcosa, Calumpit, Bulacan nito lamang Linggo, ika-7 ng Abril 2024.

Kinilala ni Police Colonel Relly B Arnedo, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Choco”, 51 anyos, businessman, na residente ng Sitio Poblacion 1, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon sa ulat, naging matagumpay ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Calumpit at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan sa isinagawang buy-bust operation na kung saan nakumpiska ang walong piraso ng medium size transparent plastic sachets ng shabu na may bigat na 270 gramo at nagkakahalaga ng Php1,836,000; drug paraphernalia; at marked money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Bulacan PNP ay walang tigil sa pagsasawata at pagpapaigting ng kampanya laban sa mga gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga para masiguro ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Panulat ni Pat Jilly Peña