Tagbiliran City, Bohol – Tinatayang nasa mahigit Php1.7 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang suspek na naaresto ng pulisya sa buy-bust operation na ikinasa noong Setyembre 22, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Edcel Petecio ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 7, ang naaresto na si Gemuba Librada Ras Alcala, 33, residente ng Brgy. Yanangan, Loay, Bohol.
Ayon kay Police Lieutenant Petecio, si Alcala ay kabilang sa High Value Individual (HVI) Regional Level. Ayon pa kay Police Lieutenant Petecio, naaresto ang suspek pasado alas-8:00 ng gabi sa Purok 7, Brgy. Bool, Tagbiliran City, Bohol ng magkatuwang na operasyon ng mga operatiba ng RPDEU 7, Tagbiliran City Police Station, Bohol PIU, at ng PDEA.
Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang nasa 255 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php1,734,000 at at buy-bust money.
Mahaharap si Alcala sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Siniguro naman ng mga miyembro ng PNP sa Bohol na kanila pang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga para masiguro ang pagkakaroon ng isang maayos at ligtas na lipunan.