Nasabat ang halos Php2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang High Value Individual sa buy-bust operation na ikinasa ng Cortes Municipal Police Station sa Barangay Poblacion, Cortes, Bohol, noong ika-7 ng Oktubre 2024.
Kinilala ni Police Captain Marvin Arranguez Chin, hepe ng Cortes Municipal Police Station ng Bohol Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Kerat”, 40 anyos, residente ng Purok 5 Barangay Taloto, Tagbilaran City, Bohol, at nakatala bilang High Value Individual.
Bandang 12:35 ng madaling araw ng ikinasa ng mga awtoridad ang naturang buy-bust operation na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek at pagkasabat ng 11 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 245 gramo at may Standard Drug Price na Php1,666,000, buy-bust money, Vivo cellphone, digital weighing scale, nike sling bag, at suzuki raider 150 motorcycle.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng maayos na pagpapatupad ng kampanya kontra ilegal na droga, at matatag na pagtutulungan ng kapulisan ng Bohol at mamamayan upang tuluyang masugpo ang ipinagbabawal na droga, tungo sa maunlad at bagong Pilipinas.
Source: Cortes MPS