Kumpiskado sa magkasunod na buy-bust operation ang mahigit Php1.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa probinsya ng Quezon nito lamang ika-9 ng Pebrero 2024.
Ayon kay Police Colonel Ledon D Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, naunang naaresto si alyas “Kiko”, 37, sa Barangay Ibabang Dupay, Lucena City, kung saan nakumpiska ang 40 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php816,000 at isang .38 revolver.
Si alyas “Kiko” ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa sumunod na operasyon naman ay nahuli si alyas “Nelson”, 48 anyos, sa Barangay Isabang, Tayabas City, kung saan nakuha naman ang walong sachets ng shabu na may parehong halaga.
Si alyas “Nelson” ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PBGen Kenneth T Lucas, Regional Director ng Police Regional Office 4A, ang mga operatiba sa magandang resulta ng kanilang mas pinaigting na pagpapatupad ng Anti-Illegal Drugs sa buong probinsya ng Quezon.
Source: Quezon PPO-PIO
Panulat ni Patrolwoman Maria Sarah P Bernales