Zamboanga City – Nasabat ang tinatayang Php1,505,000 na halaga ng assorted smuggled cigarettes sa ikinasang intelligence-driven operation sa Badjao Village, Sinunuc, Zamboanga City nito lamang Biyernes, Disyembre 9, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Alexander Lorenzo, City Director ng Zamboanga City Police Office, ang mga suspek na sina alyas “Kai”, may asawa; alyas “Jun”, 37, may asawa at alyas “Jay”, 60, may asawa, pawang mga residente ng Brgy. Talon-Talon, Zamboanga City.
Ayon kay PCol Lorenzo, bandang 4:00 ng madaling araw nang mahuli ang mga suspek na naaktuhang binababa ang mga assorted smuggled cigarettes mula sa bangkang de-motor na tinatawag na “Jungkong” ng mga pinagsanib na puwersa ng Regional Special Operation Unit 9 at Zamboanga City Police Station 8.
Nasabat sa mga suspek ang 40 master cases ng New Berlin, tatlong master cases ng San Marino na nagkakahalaga ng Php1,505.000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sec. 1401 (Unlawful Importation or Exportation) ng RA 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang Pambansang Pulisya ay nagpapa-alala sa mamamayan na huwag gumawa ng ano mang ilegal na gawain o aktibidad upang hindi humantong sa pagkakakulong.
Panulat ni Patrolman John Ronald Tumonong/RPCADU 9