Dasmarinas, Cavite – Tinatayang Php1,496,000,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang Chinese National sa joint operation ng PNP, AFP at PDEA nitong Linggo, Hulyo 3, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Antonio Yarra, Regional Director ng Police Regional Office 4A, ang suspek na si Hai Lin, 41, Chinese National, residente ng Blk 19, Lot 13, Phase 3, Fullana St. corner Soriano St., Avida Residences Santa Catalina, Molino-Paliparan Rd., Brgy. Salawag, Dasmarinas City, Cavite.
Ayon kay PBGen Yarra, bandang 11:30 ng umaga naaresto ang suspek sa naturang barangay sa pinagsanib na operasyon ng Intel Service, Philippine Drug Enforcement Agency IV-A Cavite Provincial Office, PDEA Regional Office National Capital Region-Special Drug Operatives, PDEA RO-NCR Special Intelligence Unit North, Task Force NOAH, Team Intelligence Service Armed Forces of the Philippines, Philippine Navy, Intelligence and Foreign Liaison Division, Philippine National Police Drug Enforcement Group, Regional Drug Enforcement Unit-NCRPO, Dasmarinas City Police Station at Cavite Police Provincial Office, Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit.
Narekober sa suspek ang tinatayang 220 kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang Php1,496,000,000, isang cellphone, one COVID-19 vaccination ID, isang driver’s license na nakapangalan sa suspek at ilang dokumento.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 or Republic Act 9165.
Ang tagumpay ng PNP at iba pang Law Enforcement Agencies laban sa mga may pananagutan sa batas ay bunga ng pinaigting at aktibong pakikipagtulungan ng mamamayan para mapanatiling ligtas at maayos ang komunidad.
###
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Joe Peter Cabugon