Nakumpiska ng Iloilo City PNP ang higit sa Php1.4 milyong halaga ng shabu sa tatlong tulak ng droga sa Fine Rock Hotel, Brgy. Hipodromo, City Proper, Iloilo City, bandang 4:15 ng hapon, nito lamang ika-17 ng Enero 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Antonio Benitez Jr., Hepe ng CDEU-ICPO, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Alog”, 50; alyas “Joland”, 24, parehong residente ng La Paz, Iloilo City; at si alyas “Jade”, 23, residente naman ng Brgy. Calaparan, Arevalo, Iloilo City, at live-in-partner ni alyas “joland”.
Ayon kay PLtCol Benitez, ang operasyon ay ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Iloilo City Police Office-City Drug Enforcement Unit at Iloilo City Police Station 1.
Narekober sa operasyon ang 12 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 210 gramo na may Standard Drug Price na Php1,428,000, at kabilang sa nakumpiska ang buy-bust money na nagkakahalaga ng Php12,000, at ilang mga non-drug items.
Ang tatlong arestadong suspek ay nasa pangangalaga ng Iloilo City Police Station 1 at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pahayag ni Police Brigadier General Sidney Villaflor, Regional Director ng PRO6, sinabi niya na “Pinupuri ko ang dedikasyon at pagsisikap ng ating mga kapulisan sa pagsasagawa ng matagumpay na operasyon na ito. Ang pag-aresto sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga ay nagpapatunay sa ating pagtutok na puksain ang paglaganap ng mga ilegal na droga sa rehiyon.
Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng PNP na labanan ang mga ilegal na gawain upang mapuksa ang paglaganap ng mga ilegal na droga sa rehiyon at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.