Umabot sa mahigit Php1.3 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang PNP checkpoint sa kahabaan ng Purok Kaunlaran, Barangay Tinumigues, Lambayong, Sultan Kudarat nito lamang ika-8 ng Disyembre 2024.
Ayon kay Police Captain Jayson D Cepeda, Officer-In-Charge ng Lambayong Municipal Police Station, bandang 3:00 ng hapon nagsagawa ng checkpoint ang pinagsanib na pwersa ng Lambayong Municipal Police Station, Sultan Kudarat Police Provincial Office, Regional Special Operations Group 12 at 1202nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12 nang maharang ang dalawang yunit ng Mini Van sa nasabing lugar.
Nang inspeksyunin ang mga behikulo ay dito na bumulaga sa mga awtoridad ang bulto ng mga pinaniniwalaang smuggled cigarettes.
Ang mga nasabing sasakyan ay minamaneho nina alyas “Nasrola”, 31 anyos at si alyas “Samsung”, 33, na kapwa residente ng residente ng Barangay New Cebu, Lambayong, Sultan Kudarat.
Nabigo naman ang dalawang driver na magpakita ng mga dokumento na legal ang pagbibiyahe ng bulto ng mga sigarilyo kaya inaresto at kinumpiska ang mga dalang kargamento.
Ang bawat sasakyan ay may lamang 30 kahon ng New Berlin cigarettes na may lamang 50 reams kada kahon.
Sa kabuuan, aabot sa 60 kahon na may lamang 3,000 reams ng New Berlin cigarettes na may tinatayang halaga na Php1,320,000 ang nasabat ng mga awtoridad.
Tiniyak ng Sultan Kudarat PNP na mas lalo pang papaigtingin ang kampanya sa lahat ng uri ng kriminalidad at hiling din sa publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat sa mga alagad ng batas ang anumang kriminalidad na nangyari sa kani-kanilang lokalidad.