Naaresto ang isang lalaki matapos makuhanan ng Php1.3 milyong halaga ng suspected shabu sa ikinasang buy-bust operation at pagsilbi ng search warrant ng pulisya sa Brgy. Muelle Loney, City Proper, Iloilo City nitong Martes ng gabi, ika-16 ng Enero 2023.
Kinilala ni Police Captain Roque Gemino III, Hepe ng Iloilo City Proper Police Station 1, ang subject person na si alyas “Angelo”, 24, at residente ng Brgy. Muelle Loney, City Proper, Iloilo City.
Ayon kay PCpt Gemino III, unang nakumpiska sa drug buy-bust operation kay alyas “Angelo” ang sampung pakete ng suspected shabu na may timbang ng 95 gramo at nagkakahalaga ng Php646,000.
Ayon pa kay PCpt Gimeno, matapos ang drug buy-bust, agad na sinundan ang operasyon ng paglalabas ng search warrant sa kwarto ng suspek kung saan narekober ng mga awtoridad ang isang caliber .38 na baril at tinatayang 100 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng Php680,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ang Iloilo City PNP ay walang humpay at walang tigil sa mga operasyon laban sa ilegal na droga sa syudad upang masawata at mapanagot ang mga indibidwal na gumawa ng ganitong ilegal na gawain.