Lucena City, Quezon – Tinatayang Php1,349,052 na halaga ng shabu ang nasabat sa isang babaeng suspek sa isinagawang joint buy-bust operation ng PDEA 4A at Quezon PNP sa Pleasantville Subdivision, Brgy. Ilayang Iyam, Lucena City nito lamang Martes, Nobyembre 15, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Jonalyn”, 31, residente ng Lucban St, Purok Atin Atin Brgy. Marketview, Lucena City.
Ayon kay PCol Monte, bandang 10:30 ng gabi naaresto ang suspek sa naturang barangay ng pinagsanib na pwersa ng PNP Drug Enforcement Group/Provincial Intelligence Unit Quezon, Philippine Drug Enforcement Agency 4A at Lucena City Police Station.
Narekober sa suspek ang labing tatlong heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 66.13 gramo na nagkakahalaga ng Php1,349,052, isang unit na Honda Beat motorcycle na may Plate No. 8772 PR, Php11,000 ginamit bilang boodle money, at isang sling bag.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang tagumpay ng Quezon PNP ay bunga ng pinaigting na kampanya at suporta ng mamamayan para manatiling ligtas, maayos at tahimik ang komunidad.