Cagayan De Oro City – Tinatayang Php1,360,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang joint buy-bust operation ng awtoridad sa Paglaum, Upper Camaman-an, Cagayan de Oro City nito lamang Oktubre 26, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Lawrence Coop, Regional Director ng Police Regional Office 10, ang dalawang suspek na sina Adelina Pagalan, 47, residente ng Brgy. 36, Cagayan de Oro City at si Abdulwahid Tago, 41, residente ng Malabang, Lanao del Sur.
Ayon kay PBGen Coop, naaresto ang dalawang suspek bandang 7:55 ng gabi ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit 10, Cagayan de Oro City Police Office-Station 2 at PNP Drug Enforcement Group -Special Operation Unit 10.
Nakumpiska sa dalawang suspek ang anim na paketeng hinihinalang shabu na may timbang na 200 gramo na nagkakahalaga ng Php 1,360,000, isang dark blue Redmi keypad cellphone, isang brown sling bag at dalawang pirasong Php 1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Police Regional Office 10 ay patuloy sa kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad para sa mas maayos at maunlad na komunidad.
Panulat ni Patrolman Joshua Fajardo/RPCADU 10