Cebu City – Kumpiskado ang tinatayang nasa mahigit Php1.3 milyong halaga ng shabu sa isang suspek na naaresto ng mga operatiba ng Cebu City Police Office (CCPO) sa Brgy. Pari-an, Cebu City nito lamang ika-20 ng Oktubre 2022.
Kinilala ni Police Colonel Ireneo Dalogdog, Hepe ng CCPO, ang nahuling suspek na si Rosalito Dinglasa Cañete Jr, 30, residente ng Bulacao, Talisay City, Cebu, at kabilang sa listahan ng HVI, City Level.
Ayon kay Police Colonel Dalogdog, habang nagsasagawa ang mga miyembro ng Police Station 1, CCPO ng kanilang checkpoint bandang 12:10 ng madaling araw noong Huwebes sa Sikatuna Street sa Brgy. Parian na pinangunahan ni Police Major Efren Dela Cruz Diaz Jr., ang suspek ay inaresto matapos ang tangkang pag-iwas sa mga alituntunin na ipinapatupad ng mga awtoridad. Nagkataon na sa pagsusuri rito ay narekober at nakuha ang ilang pakete ng shabu na tumitimbang ng nasa 200 gramo at Standard Drug Price na Php1,360,000.
Maliban sa nasabing halaga ng ilegal na droga, nakumpiska rin sa operasyon ang isang Motorstar motorcycle na may plate number 0701-598154; isang black belt bag, at mga drug paraphernalia na pinaniniwalaang ginagamit sa repackaging.
Ang mga nakumpiskang ebidensya kabilang na ang suspek ay agad na dinala sa himpilan ng PS 1, CCPO para sa tamang disposisyon, samantala ang nakuhang mga droga ay isinumite ng mga otoridad sa Cebu City Forensic Unit para sa pagsusuri.
Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Siniguro naman ng buong lakas ng Cebu City Police Office na sa kabila ng kanilang pagtupad ng kanilang tungkulin at responsibilidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad, hindi sila titigil sa pagsugpo sa problema sa ilegal na droga sa lungsod maging sa iba’t ibang uri ng kriminalidad para sa isang maayos at maunlad na lipunan.