Nasabat ang tinatayang Php1.3 milyong halaga ng shabu sa isang High Value Individual sa operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 4A Regional Special Enforcement Team (RSET) 1 na nagsilbing lead unit katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Rizal Police Provincial Office sa Barangay Ampid 1 General Luna, San Mateo, Rizal nito lamang ika-2 ng Disyembre 2024.
Kinilala ni PCol Felipe B Maraggun, Provincial Director ng Rizal PPO ang naarestong suspek na si alyas “Ramos”, 34 taong gulang, residente ng Buntong Palay, Purok 1 Silangan, San Mateo, Rizal at nakalista bilang High Value Individual.
Nagresulta ang pagkakahuli sa tinaguriang High Value Individual (HVI) na suspek matapos itong makipagkita at magbenta ng pakete ng hinihinalang shabu sa isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer.
Narekober at nakumpiska mula sa suspek ang mga sumusunod na ebidensya, apat (4) na pakete na may lamang hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit kumulang 200 gramo na nagkakahalaga ng Php1,360,000, dalawang (2) piraso ng gray paper bag, isang (1) piraso ng brown paper bag, isang (1) piraso ng brown paper bag na may 1000 peso bill na ginamit na boodle money, isang (1) piraso ng cellular phone at isang (1) piraso ng driver’s license.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy ang ating kapulisan sa kampanya laban sa ilegal na droga sa buong lalawigan. Patunay lamang ng walang patid na pagsuporta ng ating mga alagad ng batas para sa seguridad, kapayapaan at pag-unlad ng ating bansa para sa Bagong Pilipinas.
Source: Cavite PPO-PIO
Panulat ni Pat Maria Sarah P Bernales