Cavite – Arestado ang isang suspek sa isinagawang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at AVSEGROUP Aviation Security Unit NCR sa Dasmarinas, Cavite nito lamang ika-13 ng Enero 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Anthony Aberin, Director ng PNP Aviation Security Group, ang suspek na residente ng North 1, San Marino City Subdivision, Dasmariñas City, Cavite.
Ayon kay PBGen Aberin, nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at AVSEGROUP Aviation Security Unit NCR mula sa suspek ang 200 gramo ng white crystalline substance na hinihinalang shabu na may kasalukuyang street value na Php1,360,000 na nakalagay sa isang parcel.
Ayon pa kay PBGen Aberin, napag-alaman na ang parcel na mula sa South Africa ay naglalaman din ng isang (1) massager na may apat (4) na carbon paper, at sa loob ay apat (4) na improvised na pouch na gawa sa tape na may 200 gramo ng white crystalline, isang (1) asul na clip board, isang (1) parcel receipt, isang (1) kopya ng invoice, isang (1) Philippine Passport, at isang (1) Cellular Phone.
Dinala ang suspek sa NAIA-IADITG para sa dokumentasyon at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang mga imbentaryo na ebidensya ay isinumite sa PDEA Laboratory Service.
Patuloy ang pagpapaigting ng buong hanay ng kapulisan sa kanilang mandato upang tuluyang masiwata ang ilegal na kalakan ng droga sa bansa.